Paano nga ba nagwawakas ang pag-ibig?
Katulad ng mga bulaklak na may buhay at may hangganan, ganito ring maituturing ang pagmamahal ng karamihan. Kapana-panabik mula sa unang pag-usbong sa lupa hanggang ang huling talulot nito’y malanta. Iniingatan upang yumabong, kinakalinga upang mamukadkad.
Sa sandaling hindi na nagiging sapat ang aruga, dumarating sa punto na tumatamlay ang mga tangkay, natutuyo ang mga ugat, at nalalanta ang mga kulay. Wala nang sapat na dilig at sinag ng araw kaya’t tuluyan nang namatay.
Ito ang maituturing na wakas ng buhay ng isang bulaklak, ng magmamahal. Wala nang pag-asa. Ang dating pag-ibig na wagas, kung ituring, tuluyan nang naagnas at unti-unting inaangkin ng lupa.
Hanggang dito na nga lang ba ang lahat?
Sa paglipas ng panahon, nagiging kaisa ng lupa ang labi ng dating pagmamahal. Hindi upang ibaon sa limot, kundi upang maging pataba sa kung ano ang kahihinatnan pagkatapos ng lahat. Ang pag-ibig na minsang inalagaan ay hindi basta naglalaho; ito’y nagbabago ng anyo. Minsan nagiging pangungulila. Minsan nagiging panghihinayang. At madalas, nagiging sugat na nag-iiwan ng marka na hindi kailan man mabubura. Ito marahil ang dahilan kung bakit may mga pag-ibig na patuloy na nabubuhay sa kawalan.
Kung gayon, hindi na sapat at mahalaga na itanong kung paano nagwawakas ang pag-ibig. Marahil, ito ay hindi talaga nagtatapos. Katulad ng buhay, ito ay siklo ng pagsibol at pagkamatay. Paulit-ulit itong isinisilang sa lupa kung saan nakalibing ang ating nakaraan, at maaaring paulit-ulit din itong mamatay at maagnas sa kaniyang pinagtubuan.
