May mga bagay na hindi naman kailangang sabihin para maintindihan.
Darating ka na lang sa punto na ramdam mong iba na ang init ng mundo. Hindi mo naman kayang ipaliwanag kung bakit, pero alam mong may nagbago. Hindi nang halong pagka-sabik ang mga tingin niya kapag nakikita ka. Mas naging madalas ang katahimikan sa isa’t isa. At kahit magkatabi pa kayo, pakiramdam mo, may distansiyang hindi kayang lakarin.
Ang hirap no’n kasi wala kang maituturong eksaktong araw kung kailan nagsimula. Wala namang away. Wala namang pagtatapos. Pero unti-unti mong napapansin na may bahagi ng puso niyang hindi na sa’yo nakatingin. Parang may iba nang tahanang gustong uwian. At ang pinakamasakit, wala kang kalaban na puwede mong sisihin. Kasi minsan, ang puso, lumilipat lang talaga.
Nakakatawa pa nga minsan. Pilit mong iniisip na baka pagod lang siya. Baka kailangan lang ng oras. Baka bukas, babalik din ang dating init. Hanggang sa isang araw, mapapansin mong ikaw na lang pala ang naghihintay sa tabi ng kalsada habang siya, matagal nang may ibang direksiyong tinatahak.
Kaya kapag naramdaman mong ikaw na lang ang kumakapit sa isang bagay na unti-unti nang bumibitaw, huwag mong ipagpilitan ang sarili mo. Hindi lahat ng pag-alis ay pagkatalo. Minsan, respeto rin ‘yon — sa sarili mo, at sa taong hindi na pareho ang pinipiling landas.
Kaya kumpadre, kapag malamig na ang kalsada, umuwi ka na.
