Minahal naman kita, hindi lang sa paraan na nakasanayan ko, hindi sa paraan na nararapat para sayo.
Sabi sa isang kanta, “mamahalin na lang kita ng tahimik”. Wala namang natatanging depinisyon ang pagmamahal. Iba-iba ito sa bawat tao, sa bawat sitwasyon, sa bawat kwento. Kung sa iba, mas ninanais nila na magmahal ng tahimik. Iyong ang mga bulong ng panata ng kanilang pagmamahal ay tanging langit lamang ang nakakarinig.
Hindi ko nakasayanan na magmahal ng tahimik. Ngunit sayo, naging tikom ang aking bibig at labis ang pagpipigil na huwag iparamdam ang kabig ng aking dibdib. Nakakatakot naman kasing isigaw sa buong mundo ang himig ng pagmamahal ko para sayo kung wala naman ako sa lugar, wala naman ako sa posisyon.
Sanay akong gumagawa ng paraan para maiparamdam sa tao ang pagmamahal ko. Mula sa simpleng pagreact sa facebook hanggang sa paglalaan ng oras na gumawa ng kanta para sa isang tao ay nagawa ko na.
Banayad ang paraan ng aking pagmamahal, tila isang kumot na babalot sayo sa gabing malamig. Isang yakap na mahigpit sa oras ng paghihinagpis. Pero takot ako na lumapit sayo, ni hindi ko magawang ibukas ang aking braso at aluin ka sa pag-iyak mo.
Mahilig ako magpaulan ng mga salitang tatagos sayong puso, mga salita na maipaparamdam sayong ikaw at ikaw lang ang magiging paksa ng aking bawat tula. Hindi ko alam kung bakit parang naubusan ako ng bokabularyo pagdating sayo. Tikom ang aking bibig at walang himig ng pagmamahal ang bawat salitang aking sasambitin.
Pigil ang bawat damdamin kong nagpupumiglas kumawala sa aking dibdib. Hindi ko kayang pakawalan ang pagmamahal na hindi mo naman kayang saluhin. Hindi mo ako binigyan ng pagkakataon na mahalin ka sa paraan na alam ko.
Nasanay akong mahalin ka ng tahimik hanggang ang awit ng pagmamahal ko’y pinili na lang rin manahimik.
Minahal kita.
Narinig ng langit ang bawat daing at bawat pag-amin ko. Sa Kaniya ko sinambulat lahat ang sikreto ng pusong animo’y nagmamahal ng patago. Ikaw ay isa sa aking mga lihim na bagaman alam na ng nakararami, patuloy silang magtataka kung ito’y naging totoo ba.
Sana’ y mapatawad mo ako kung bahag ang aking buntot na iparating ang tunay kong nararamdaman. At patatawarin rin kita sa bawat mong tanggi na ako’y iyong minamahal rin pala.
Minahal kita, iyan ang totoo. Ngunit ang pagmamahal na pinipiling patahimikin ay hindi manlalaban at kalauna’y susuko na rin.
